Tuklasin ang Gandang Hongkong

Hindi lamang bansang Pilipinas ang nagtataglay ng mga magagandang tanawin at mayamang kultura. Marami na akong napuntahan na magagandang lugar dito sa ating bansa ngunit alam ko na mas marami pa akong matututunan at matutuklasan kung malalakbay ko rin ang mga pinagmamalaking lugar ng iba’t ibang bansa. Noong ika-23 ng Oktobre ay nagkaroon ako ng pagkakataon upang pumunta sa isa sa mga sikat na bansa ng Asya ang Hongkong. Kasama ang aking pamilya ay nilibot namin ang mga pinagmamalaking lugar ng HongKong. Sa pamamasyal doon, marami akong natuklasan na magagandang tanawin, naranasan ang ibang kultura, at namangha sa mga maraming bagay at karanasan na naihandog sa akin ng bansang ito. Halina’t ako ay samahan sa pamamasyal sa magagandang lugar at pasyalan na iyong maaaring puntahan sa Hongkong.


        Base sa aking karanasan, ang pinakamainam na sakyan kung ninanais mong maglibot sa Hong Kong ay ang MTR. Ang tren na ito ay mayroon labing isang heavy rail lines na nagpapadali sa iyong pamamasyal sa iba’t ibang sikat na lugar at pasyalan sa Hong Kong.



            Una naming pinuntahan ay ang ipinagmamalaki nilang Ocean Park. Ito ay isang theme park na dinarayo ng napakaraming turista at matatagpuan sa kahabaan ng Wong Chuk Hang at Nam Long Shan sa Southern District ng Hong Kong.



                  Ang Ocean Park ay nahahati sa dalawang parte, ang Summit at ang Waterfront. Upang makapunta sa mga parte na ito ay kinakailangan naming sumakay sa kanilang cable car system o ang tinatawag na Ocean Express Funicular Railway.


                Sa aking unang pagsakay, hindi maiiwasan na makaramdam ako ng takot at kaba lalo na’t napakataas ng kinalalagyan ko. Kalaunan ay nawala rin ang takot sa aking sistema dahil sa magandang tanawin at preskong hangin galling sa dagat at bundok na aking nakita at naramdaman habang nakasakay dito


                Ang theme park na ito ay saktong sakto rin pasyalan ng mga taong mahihilig sa mga nakakatakot at nakakalulang rides. Mayroon itong roller coaster na nakatayo sa itaas ng bundok at matatanaw ang dagat na nakapalibot sa buong parke.


             Nang mapagod kami sa kakasakay sa iba’t ibang rides napagdesisyunan namin na maglibut-libot na lamang at pinasok  ang iba pang atraksyon na makikita sa Ocean Park. Nagtungo kami sa sikat nilang aquarium na tinuturing na World’s Largest Aquarium Dome at natunghayan dito ang iba’t ibang klase ng isda at kung papaano nila ito pinapangalagaan.


             Matapos namin libutin ang lahat ng atraksyon sa loob ay naupo na lang kami sa tabi ngunit ang aming mata ay nabusog pa rin sa ganda ng kanilang lugar at sa makukulay na pagtatanghal. May mga kultural at musikerong nagtatanghal, at mga nagsasayaw na ilaw at tubig na talaga namang aaliw sayo kahit na ikaw ay nagpapahinga.


            Sa pangalawang araw ng aming bakasyon ay natural lamang na hindi mawala sa aming listahan ang Disneyland at para makapunta dito kinakailangan namin sumakay ng tren. Ang tren papuntang Disneyland ay naiiba sa lahat dahil ang buong panlabas na itsura nito ay inspirado kay Mickey Mouse na sikat na karakter ng Disney.


            Talaga namang makakaramdam ka ng pagkatuwa lalo na’t pagsakay sa loob ay makikita mo na maging ang hawakan sa tren ay hugis ng karakter na si Mickey Mouse. Sa pagkakita nito ay ramdam ko na agad ang pagkasabik sa aking sistema dahil alam ko na malapit ko ng personal na makita ang isa sa mga pinapangarap kong pasyalan na lugar.

              

             Alam ko na hindi lamang ako ang nakararamdam ng saya at pagkasabik sa aming pupuntahan dahil kitang kita ko ito sa mga mata at ngiti ng bawat taong nakasakay sa loob ng tren. Bata, matanda, dayuhan man o hindi ay pare-parehong naaaliw at namamangha sa kanilang nakikita sa loob at labas ng tren.





             Sa loob ng lima o higit pang minuto na pagsakay sa Mickey Mouse train ay sa wakas narating na rin namin ang isa sa pinapangarap kong mapuntahan na lugar. Ang HongKong Disneyand ay ang tinuturing ng karamihan na “The Happiest Place in the World” dahil kahit anong edad at lahi ay paniguradong masisiyahan at hindi malilimutan ang pagbisita sa lugar na ito.

         
                     Ito ay isang theme park sa lupain ng Penny’s Bay, Lantau Island at matatagpuan sa loob mismo ng HongKong Disneyland Resort. Sa pagpasok sa loob ng theme park ay may nakita kami na tren kung saan pwede sumakay ang mga turista upang malibot ang napakalawak na lupain ng Disneyland.


                  Hindi kami nakaramdam ng bagot at pagkalungkot dahil sa dami ng atraksyon na pwedeng pasyalan at pasukin. Binubuo ito ng pitong themed areas gaya ng Main Street, U.S.A., Adventureland, Grizzly Gulch, Mysic Point, Toy Story Land, Fantasyland, at Tomorrowland


                    Isa sa mga paborito kong napuntahan ay ang Fantasyland dahil dito nakita ko ang mga paborito kong karakter na Disney Princess gaya nina Sleeping Beauty, Cinderella, at Snow White. Pakiramdam ko ay nagbalik muli ako sa pagkabata dahil sa aking mga nakikita at dito ko rin nakita ang Mickey’s PhilharMagic kung saan may pagkakataon ka na makapanood ng 3-D Adventure.


              Hindi ko rin malilimutan noong pinasyalan namin ang Adventureland. Ito ay makikita sa loob ng mukhang kagubatan at dito rin namin nahanap ang isa sa mga atraksyon dito na kung tawagin ay “Festival of the Lion King”.

             Sa “Festival of the Lion King” ay matutunghayan ang makulay na pagsasadula ng isa sa sikat na pelikula ng Disney, ang “The Lion King”. Ako ay lubos na namangha sa ganda ng produksyon at sa galing ng bawat aktor na nagsipaganap.


             Lumubog man ang araw ay hindi pa rin ito hadlang upang magpatuloy ang saya sa loob ng Disneyland dahil sa dami ng puwedeng mapuntahan at mapasyalan dito. Sa katunayan, mas dumami pa ang mga bumibisitang tao sa paglipas ng oras.


                 Pagpatak ng alas-otso ng gabi ay oras na upang pumunta ang lahat ng tao sa harap ng Sleeping Beauty’s Castle. Dito matutunghayan ang fireworks at light show na pangwakas na palabas ng HongKong Disneyland at tumatagal ng sampung minuto. Sa panonood nito, masasabi ko na tunay ngang “Happiest Place in the World” ito dahil bumalik ako sa aming hotel na may ngiti sa mga labi at dala ang hindi malilimutang alaala. 


BERNANTE, Angelika
12-St. Eusebia
Pictorial Essay


Comments

IBA PANG BABASAHIN