Maayong Pag-abot sa Bohol! (Pagtuklas sa probinsya ng Bohol)

Magandang tanawin, mayamang kultura, masarap na pagkain, mapangalaga sa hayop at biyaya ng kalikasan ang ilan lamang sa mga tunay na maipagmamalaki ng probinsya ng Bohol. Lahat naman ata ng mga probinsya o lugar sa Pilipinas ay may maipagmamayabang na ganda ngunit para sa akin naiiba pa rin ang pagbisita ko sa napakayaman na probinsyang ito. Ito ang unang pagkakataon na nakapunta ako at ang aking pamilya sa isa mga probinsya sa Visayas kung kaya naman labis ang aking pagkasabik na makapasyal sa lugar na ito lalo pa’t ito rin ang probinsya ng aking ama. Nakakalungkot man isipin na nasira na ang iba sa mga turistang pasyalan dito ngunit patuloy naman na bumabangon at isinasaayos ng mga taong naroon ang napakagandang regalo at biyaya ng kanilang bayan. Mapalad ako na mabisita ang probinsya na ito bago pa man ito nasira ng isa sa pinakalamalakas na lindol na tumama sa ating bansa. Kaya naman halika’t samahan ako sa pagbabalik tanaw sa mga natatanging lugar na aking nakita at masayang alaala na aking naranasan sa pagpasyal sa probinsya ng Bohol!


Alas - diyes pa lang ng umaga ay nakalapag na ang aming eroplano sa paliparan ng Bohol. Tila nakikiayon ang panahon sa aming bakasyon dahil kahit matindi man ang sikat ng araw ay hindi ko ito naramdaman dahil sa preskong hangin na dumampi sa akin. Sa aming paglabas ay sinalubong kami ng isang tour guide na siyang maglilibot sa amin sa mga sikat na pasyalan sa Bohol. Kung nais mo na huwag mahirapan sa pagbiyahe at pag-ikot sa lugar ay mas maganda kung magkaroon ng tour guide dahil siya ang tutulong sa iyo upang huwag maligaw at siyempre ay mas makilala ang ganda at kultura ng probinsya ng Bohol. Ako ay natuwa dahil ang tour guide namin na si Kuya Noel ay talaga namang maaasahan hindi lamang sa pagsama sa amin ngunit pati na rin sa mga bagong kaalaman na ibinabahagi niya sa amin. Kahit pa sa mga oras na nasa sasakyan lang kami at bumibiyahe ay hindi kami nakaramdam ng antok at inip dahil na rin sa dami ng baong kuwento at biro ni Kuya. Ito ang isa sa mga patunay na mararamdaman mo na nasa sarili kang bayan dahil sa mga mababait at madaling lapitan na mga tao.

Unang lugar na aming pinuntahan ay ang Sandugo Blood Compact Monument na kung saan naganap ang unang pakikipagsandugo ng Pilipino at Kastila bilang tanda ng kanilang pagkakaibigan. Ang monumentong ito ay matatagpuan sa distrito ng Bool sa Loboc at ang sabi pa ay ito ang isa sa mga unang pinupuntahan ng mga turista tuwing namamasyal sa lungsod ng Loboc dahil na rin siguro ito ay malapit lamang sa paliparan. 


Hindi lamang mismong monumento ang iyong makikita dahil mabubusog ang iyong mata sa mga isla at dagat na nakapalibot sa Sandugo Monument. Makikita ang tanawin ng Bohol Sea kasama ang isla ng Panglao sa bandang kanan at isla ng Pamilacan naman sa kaliwa. Ang mga ito ay nakadagdag ganda sa napakalalim at napakagandang istorya at kasaysayan ng monumento. Nakita ko rin kung gaano pinapangalagaan ng bawat residente at taong pumupunta roon ang lugar dahil wala kang makikita na dumi o basura sa kalupaan man o sa dagat. Madarama mo ang malamig at amoy dagat na simoy ng hangin na nakatulong upang mas mabigyang halaga ko ang aking bawat nakikita.


Pagkatapos ng pagbisita sa monumento ay dumiretso naman kami sa Baclayon Church na itinayo gamit ang mga bato at itinuturing na “Oldest Stone Church” sa ating bansa. Nakakamangha malaman na napakatagal ng nakatayo ang simbahan na ito simula pa noong panahon ng pananakop ng Kastila at nakakabilib dahil hindi gumamit ng kahit anong metal o iba pang materyales upang maitayo ang simbahan na ito. Ilang dekada ng nakatayo ngunit kita pa rin ang ganda at tibay ng Baclayon Church. Ang simbahan na ito ay isa sa mga saksi ng ating maganda at malungkot na kasaysayan. Nakadagdag sa pagiging sagrado ng simbahan ang mga lumang santo at maging ang malaking kamapana na nakalagay dito.

Nang napagod at nakaramdam ng gutom ay nagtungo naman kami sa Loboc Floating Restaurant. Ito ay isang kainan na balsa at gawa sa kawayan at makikita sa gitna ng ilog ng Loboc. Isang pambihirang karanasan ang makakain dito dahil hindi lamang ang iyong tiyan ang mabubusog pati na rin ang iyong mga mata dahil sa magandang tanawin na iyong makikita. Ang Loboc Floating Restaurant ay umiikot sa buong ilog ng Loboc habang ikaw ay kumakain. Sa mismong balsa naman mayroong mga pagtatanghal gaya ng banda at katutubong sayaw na itinatanghal ng mga katutubong nakatira sa Loboc. Nakakatuwa dahil aktuwal kong naranasan at narinig ang pinagmamalaking sining at musika ng Bohol.

Pagkatapos kumain ay nagtungo naman kami sa Tarsier Conservation Area na matatagpuan pa rin sa lungsod ng Loboc. Dito makikita mo ang mga pinangangalagaan nilang tarsier na napapabilang sa mga uri ng hayop na nalalapit ng maubos kung hindi pangangalagaan. Sa pagpasok sa lugar ay pinaalalahanan kami na huwag hahawakan ang mga ito at huwag din gumamit ng “flash” sa pagkuha ng litrato dahil kapag sila ay nagulat o nagambala ay may tiyansa na sila ay makaranas ng “stress” na hahantong sa kanilang kamatayan. Ang mga tarsier ay isang nocturnal animal na nananatili lamang nakakapit sa isang puno ngunit mas nakakakilos ito kung madilim at gabi. Mayroon itong mga malalaking mata at mahahabang buntot. Nagkaroon ng ganitong conservation area upang mapakita sa mga turista ang natatanging hayop na makikita sa Bohol at para paalalahanan na rin ang lahat sa wastong pangangalaga ng mga ito.













         Mula sa Loboc ay bumiyahe kami ng mahigit isang oras upang makarating sa pinakasikat na atraksyon sa Bohol- ang Chocolate Hills. Ito ay matatagpuan sa Carmen at idineklara bilang pangatlong “National Geological Monument” ng ating bansa. Upang makaakyat sa isa sa mga burol ay kinakailangan mong gumamit at akyatin ang napakataas na hagdan. Nakakapagod man ay sulit pa rin dahil sa pag-akyat ay matatanaw mo ang lawak ng sakop at iba pang mga burol na bumubuo sa Chocolate Hills. 


            Sinasabi na binubuo ito ng mahigit na isang libong burol at mga ito ay nagkukulay tsokolate tuwing tagtuyot o mainit ang panahon at kung maulan naman ito ay nagkukulay berdeng dahon. Ayon sa aming tour guide, ang magandang tanawin na ito ay may nakakatuwang kuwento o alamat rin. Ayon sa iba, nabuo raw ang Chocolate Hills dahil sa pag-aaway ng dalawang higante na nagbatuhan ng mga naglalakihang bato, putik, at buhangin. 



              Sa panghuli naming pamamasyal ay pinuntahan namin ang Hinagdanan Cave na matatagpuan sa munisipalidad ng Dauis sa Panglao Island. Ito ay isa lamang sa napakaraming kuweba na matatagpuan sa probinsya ng Bohol. Mayroong maliit na bukana at hagdan na ginagamit upang makapasok sa kuweba. Madilim ang loob ng kuweba mabuti na lamang at ito ay naiilawan ng sinag ng araw na tumatagos sa mga butas na parte ng kuweba.


              Ang looban ay binubuo ng mga stalagmites at stalactites na lalo nakadagdag ganda sa kuweba. May pagkakataon ka rin na magpakuha ng litrato sa loob bagaman madilim ay pagkatapos mo naman makuhaan ay makikita mo ang mga iba’t ibang imahe na nakalagay sa mga batuhan ng kweba. Makakakita ka rin ng look sa looban na sikat na paliguan sa lugar na iyon. 


               Sa kabuuan, naging masaya ang isang araw na bakasyon ko kasama ang aking pamilya dahil marami akong nalaman, natutunan, at naranasan sa aking paglalakbay sa probinsya ng Bohol. Ang biyahe na ito ay nakatulong sa akin upang mas mahalin, at pangalagaan ang kalikasan at biyaya na mayroon ang ating bansa. Napagtanto ko kung gaano kayaman pagdating sa kalikasan, sining, at kultura hindi lamang ang Bohol kundi maging na rin sa iba pang lugar sa Pilipinas. Tunay nga na napakasarap tuklasin ang itinatagong yaman at lugar ng bawat probinsya ng ating bansa. 


BERNANTE, Angelika
12-St. Eusebia
Lakbay Sanaysay
PICTORIAL ESSAY - https://matuklasan.blogspot.com/2017/11/tuklasin-ang-gandang-hongkong.html


Comments

IBA PANG BABASAHIN