Ang Tinatagong Ganda sa Tuktok ng Pilipinas: Ilocos
Bata palang ako ay ninanais ko nang makapunta ng Ilocos at di lamang para bisitahin ang magagandang lugar dito, ay ninanais ko rin makatikim ng kanilang bagnet, empanada, at syempre ang kanilang longganisa.
Nagsimula kami bumiyahe nang 12:00 ng madaling araw patungo sa Ilocos, makalipas ang mahigit 6 na oras ay nakarating kami sa Vigan, Ang Vigan ay kilala para sa kanyang cobble stone streets at mga lumang gusali, ito ay pinangaralan bilang isa sa mga New 7 Wonders Cities noong 2015, ito rin ay pinagalan bilang UNESCO World Heritage Site.
Sa vigan ay bumili kami ng mga pwedeng ipasalubong, at syempre ay kumain agad kami ng bagnet at longganisa, pagkatapos ay may nakita kaming nagbebenta ng sorbetes at habang nililibot namin ang iba’t ibang pamilihan ay kumakain kami ng sorbetes.
Pagkatapos ng Vigan ay dumiretso naman kami sa Paoay para mag check in sa aming hotel, ang tinulugan namin ay malapit kami sa Paoay church, ito ay aming pinuntahan at nagsindi kami ng mga kandila, paglabas namin ay may nakita kaming nagtitinda ng empanada.
Pagkatapos ng Paoay church ay pumunta kami sa Malacanang of the North, ito ang lugar kung saan nakatira ang mga Marcos.Makikita talaga sa bahay na ito ang mga impluwensya ng espanyol at ilocano na disenyo. Katabi ng malapalasyong bahay na ito ay ang Paoay lake at sa loob ay makikita ang dating opisina ni Ferdinand Marcos noon, makikita rin ang mga silid- tulugan nilang pamilya at ang kanilang napakalaki na sala. Ang maganda sa lugar na ito ay marami kang matututunan sa kasaysayan ng Pilipinas dahil hindi lamang ito parang open house, naglagay rin sila ng mga poster na naglalaman ng mga munting kaalaman tungkol sa mga nagawa ng mga Marcos para sa ating bansa.
Ang sunod na pinuntahan namin ay ang sand dunes, dito ay sumakay kami sa 4x4 na jeep na nilibot kami sa buong lugar, lahat kami ay sumisigaw dahil parang kami ay nasa roller coaster, may mga pataas at pababa ang aming dinaan, pagkatapos ay nakarating din kami kung saan nag sasand surfing ang mga tao, nung una ay kinakabahan ako dahil akala ko ay susubsob ako kaya nakaupo muna ako sa unang pababa, nung ako ay nasanay na ay tumayo na ako. Nang matapos kami sa sand surfing sinakyan ulit namin ang 4x4 at dinala kami ng drayber sa parang beach at dito kami ay kumuha ng mga litrato bago kami binalik sa entrance.
Ang sumunod na araw ay pumunta naman kami sa Bangui windmills, akala ko nung una ay magiging malamig dito dahil sa rami at laki ng mga windmill pero nung pagbaba namin ay parang normal lang ang temperatura, nilibot namin ang lugar at may nakita kaming hagdanan pagbaba namin sa hagdanan ay napunta naman kami sa baybayin, kung saan may mga kabayo na pwedeng sakyan ng mga tao, hindi na kami nakasakay dito dahil kami ay may hinahabol na oras at hindi namin inakala na may ganoon pala doon.
Ang susunod na pinuntahan namin ay ang Patapat viaduct, ito ay nasa gilid ng bundok at ang nasa paanan nito ay ang dagat na, kapag ikaw ay dumaan dito makikita mo na maraming kotse ang naka park sa gilid dahil kahit na ito ay kalsada lang, isa rin itong tourist attraction.
Ang sunod na pinuntahan namin ay ang Cape Bojeador lighthouse, pagdating mo sa tuktok ay makikita mo ang malalakas na paghampas ng mga alon, kahit na kami ay nasa malayong lugar ay sobrang laki na nito, paano pa kaya kung malapitan na. Pagdating mo sa lugar na ito ay napakaraming hagdanan, pero ito ay sobrang sulit dahil sobrang ganda ng makikita mong view, pati na rin ang loob nito dahil inalagaan talaga ang loob nito.
Ang pinaka huling lugar na pinuntahan namin ay ang Hannah's Resort, pagdating dito ay makikita mo na maraming mga statue ng iba't ibang karakter, may mga nanggaling sa Disney, mayroon rin mga dinosoar, si Jollibee at marami pang iba. Marami rin silang languyan, may isa na parang infinity pool, mayroon din isang mukhang palayok, at meron naman din silang normal na swimming pool lang, at syempre mayroon din silang beach. Marami kang pwedeng gawin sa resort na ito, pwede kang mag jet-ski, mag banana boat, pwede ka rin mag rent ng atv- bike pati na rin zipline na kilala bilang pinakamahabang pinakamahabang over the water zipline sa buong mundo. Bago kami lumuwas pabalik sa Maynila ay sinubukan namin ang zipline nila, tulad ng sand surfing ako ay kinabahan nung una pero nung nasanay na ako ay naenjoy ko rin siya.
Ang Ilocos ay isa sa mga pinaka masayang probinsya na napuntahan ko dahil hindi ka talaga mauubusan ng mga pwedeng gawin dito, at syempre masarap din ang kanilang pagkain, sa tatlong araw na nasa Ilocos kami ay puro bagnet, longganisa at empanda lang ang kinakain namin. Kung kayo ay naghahanap ng pwedeng bisitahin na lugar sa Pilipinas ay huwag na huwag niyong kaligtaan ang Ilocos, kasi kami mismo ay nagbabalak talaga na bumalik dahil sa sobrang saya rito.
DELA ROSA, Bianca
12-St. Eusebia
Lakbay Sanaysay
PICTORIAL ESSAY - https://matuklasan.blogspot.com/2017/11/ang-ganda-sa-lugar-na-india.html
Comments
Post a Comment